Friday, July 29, 2011

State of Mental Hospital Address

Press Statement
July 29, 2011


References:  Romy Valenzuela,  NACEMHEA president
                          Armando Palaganas, NACEMHEA Vice-President
                          Mobile No. 0915-3039612

Mga kapwa ko manggagawang pangkalusugan sa National Center for Mental Health, mga residente ng Welfareville, kay Chief Nurse Lucy Espinosa, Nurse Supervisors, Department Heads, Clinical Instructors, mga estudyante, bantay ng mga pasyente, at iba pang manggagawang pangkalusugan mula sa iba’t ibang ospital sa ilalim ng Alliance of Health Workers, magandang tanghali sa inyo.

Sabi ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang ikalawang State of the Nation’s Address, tayo, mga kababayan, ang “butihing boss” niya. Wala diumanong “maiiwan sa tuwid na landas”. At sabi pa niya “aanhin naman po natin ang mga numerong naghuhudyat ng pag-asenso ng iilan, kung marami pa rin ang napag-iiwanan?”

Ano ang nangyayari sa atin sa Mental Hospital? Tuwid na landas ba ang planong muling pagbebenta sa lupain ng Mental at Welfareville? Tuwid na landas ba ang unahin ang tubo at kita sa pagkomersyalisa at pagpribatisa ng Welfareville na magbubunga sa dislokasyon ng mahigit 4,800 mahihirap na pasyenteng may sakit sa pag-iisip, mahigit 1,000 manggagawang pangkalsugan, at libu-libong residente ng Welfareville?  At saan tayo dadalhin, sa 10 ektaryang lupain sa Inarawan, Antipolo na napakalayo, maputik, di pa developed, at may kaso pa nga.  Panaginip at panlilinlang ni Soliman at ni PNoy, na sabihing walang matatanggal at walang maiiwan, na pasyente, manggagagawang pangkalusugan at residente.

Sabi ni Pangulong Aquino, susugpuin ang Kulturang Wang-wang. Hindi ba panlilinlang at pang-aabuso ng kapangyarihan ang ginagawa ng paborito niyang DSWD Secretary Dinky Soliman kasama ang mga representante ng DOH, DOJ, DOF, DENR at World Bank na iskreto at hindi kinokonsulta tayong mga taga Mental at Welfareville sa kanilang planong muling pagbebenta ng Welfareville? Para kanino ba ang public-private partnership na ngayon pangunahing programa ni PNoy? Hind ba’t mga malalaking dyuhan at local na negosyo ang makikinabang kapag nabenta ang Mental at Welfareville at naprivatize ang ibat ibang pampublikong ospital? Sino kung gayon ang tunay na boss ni Aquino?

Tama ang sinabi ng babaeng nakausap ni Pangulong Aquino noong nangangampanya siya. Sabi ng babae “Miski sino naman ang manalo, pare-pareho lang ang kahihinatnan.”  Pare-pareho ang ginagawa sa atin ng iba’t ibang presidente- Si Marcos ginawa ang RA5260 at PD 1541 na nagbebenta sa Welfarevile at nagdedesentralisa ng Mental, si Ramos, Estrada, Arroyo gumawa ng mga Executive Orders para madaliin ang bentahan. At ngayon, malinaw pa sa sikat ng araw, ibebebenta pa rin ang Welfareville at Mental. Mayroon bang pagbabago sa administrasyon ni Aquino?

Ang hindi dapat magbago, bagkus pagtibayin, at palakasin - ang ating pagkakaisa at paglaban sa pang-aapi, panlilinlang at pagsasamantala sa atin ng mga ahensya at pinuno ng pamahalaan at dayuhang nais tayong pagkakitaan. Mula noong 1996, nagawa nating pigilan ang pagbebenta, kaya dapat lang at tama na tuluy-tuloy tayong kumilos at lumaban, kasama ang iba pang sector at organisasyon. Kasama natin sa laban ang mga progresibong parylist, kagaya ni Teddy Casino ng Bayan Muna, na ngayon ay gumagawa ng House Bill at Resolusyon para ipatigil ang planong bentahan at ibasura ang RA 5260. Maraming salamat sa lahat ng sumusuporta sa ating laban!

Mabuhay ang pasyenteng Pilipino, manggagagawang pangkalusugan, at residente ng Welfareville! Magsama-sama at organisadong tayong lumaban para sa ating karapatan at kagalingan. Sumama tayo sa landas ng tunay na pagbabago! 

No comments: