Makiisa sa Gagawing Noise Barrage at Makisalo sa Pagdildil ng Asin sa Lunes, October 11, 2004 12:00 –1:00 PM sa PGH Flagpole.
Makiisa din sa gagawing “Sanduguan” sa Huwebes, Oktubre 14, 2004Simula ng 8:30 AM sa Department of Budget and Management (DBM)
Hindi pa man din nakakaraos sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin, ay mayroon na namang pagtaas ng singil sa kuryente at nakaambang pagtaas ng singil sa tubig! Bukod pa diyan ang iba pang maiitim na balak ng gubyerno upang tugunan daw ang “fiscal crisis”, mga hakbang na lalong nagpapahirap sa mga mamamayan! Ilan dito ay ang mga tax measures, early retirement, at budget cut sa edukasyon, kalusugan, atbp. – mga band-aid sa nagnanana at nabubulok na sistema. At habang nag-iisip ng mga patapal-tapal na solusyon ang gubyerno, libo-libong empleyado naman ang patuloy na umaasa at naghihintay na tugunan ang panawagan sa karagdagang sahod!
Sa kasalukuyan ang sweldo kada buwan (gross) ng Utility Worker I (SG1) ay P5,082.00, Nursing Attendant II o Clerk III (SG6) ay P7,606, Nurse I (SG10) ay P9,939.00 at ang Medical Officer III (SG18) ay P15,831.00. Ito ay napakaliit kung ikukumpara sa poverty threshold sa NCR na mahigit P16,862.00 (ayon sa NSCB) para sa isang pamilya na may apat na miyembro!
Ang tunay na halaga ng piso ay nasa 40 sentimos na lamang. Sa kinikita ngayon ng isang ordinaryong kawani, halos bigas at asin na lamang ang kayang mabili nito para sa pang-araw na pagkain.
Sa harap ng lumalalang kalidad ng pamumuhay, nananawagan ang All UP Workers Union kasama ang kalakhan ng mga kawani sa pamahalaan ng patuloy na panawagan para sa P3,000 Across-the-Board Monthly Salary Increase. Ang tinatayang P43B na kailangan para sa P3,000 monthly increase ng may 1.2M na mga kawani ng gubyerno ay barya lamang sa P695B na ibabayad ng gubyerno sa kautangan para sa susunod na taon, kung saan marami dito ay hindi ang sambayanan ang nakinabang at napunta lamang sa iilang pribadong kumpanya at mga indibidwal. Bukod pa dito ang iba’t-ibang anomalya na kinasangkutan mismo ng nasa posisyon, lalo na ng mga kasapakat ni Pangulong GMA, halimbawa na lang dito ang tinatayang halos P15 – P17B mula sa PCSO, PAGCOR, GSIS, OWWA, at DA na ginamit sa nakaraang kampanyang reelection, ang Diosdado Macapagal Blvd, mga tax credit scam, malawakang “conversion” sa AFP at marami pang isyu ng graft and corruption.
Ang ating laban sa sahod ay makatarungan. Ang P3,000.00 dagdag sahod ay may 5 taon na, at sa patuloy na pagtaas ng mga serbisyo’t bilihin, inflation at depreciation ng Peso, ito ay halos hindi na angkop sa kasalukuyang panahon. Ang tuwina ang sagot ng inutil, incompetent at puno ng corruption nating gubyerno, ay patuloy na pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan.
Tinutulak tayo ng gubyerno sa bingit ng kahirapan, na magdildil sa asin habang ang mga nasa matataas na posisyon ay namimihasa sa garbo ng taas ng sahod at mga benepisyo. Ang mga ahensiya ng gobyerno ay pilit pinapatupad ang mga “austerity measures” subalit taliwas naman dito ang dalas ng foreign travel, pagtaas ng budget para sa advertisement at mga descretionary fund tulad ng Intelligence Fund ng mismong opisina ng Pangulong GMA. Walang katotohanan kung gayon ang “burden sharing” na ipinamumukha ni GMA! Ang mga karaniwang mamamayan lamang ang nagpapasan ng hirap, samantalang puro pagpapapabor sa malaking negosyo at kanilang mga kasapakat sa Kongreso at MalacaƱang ang naging prayoridad ng ating gubyerno. Mga tax incentives, tax holidays, tax amnesty, ang unilateral na tariff reduction, mga batas tulad ng EPIRA, Oil Deregulation Law, atbp. Lahat ito ay malinaw na ang mga nakinabang ay mga malalaking negosyo lamang at hindi ang mamamayan.
Patuloy na ipaglaban ang ating salary increase! Ito ay bahagi pa rin ng ating panawagan para sa pagtaas ng badyet pangkalusugan at pagkakaloob ng iba pa nating mga benepisyo – quarterly rice subsidy, backpay ng COLA, increase ng hazard pay, subsistence allowance at iba pa.
All U.P. Workers Union, Manila Chapter
No comments:
Post a Comment