Sunday, September 26, 2004

POETRY: Ang Kuwento ng Balangiga

Balangiga

ni: RICHARD GAPPI

I. Parapamatba

Casiana Nacionales, acting as the “parapamatbat” (the one who leads the prayer) rush from the church, and with rosary beads held high, extolled and rallied the people to attack.

-isang tala ukol sa atake ng mga taga-Balangiga, Samar

Inaaba kami ng mga ginoong napadpad dito ayon daw sa iyong bulong.

Pinuno nila ng barya at grasya ang kanilang bulsa dahil sumasakanila ka raw at bukod-tangi mo silang pinagpala.

Itinatwa nila ang aming tuwa.

Kaya sa kanila ang ligaya at sa amin ang dusa.

Gayunman, hindi ito misteryo para sa amin.

Batid mong umiikid na siklo ang nakabakat sa aming daldak at may dugong nakakulapol sa badhi ng aming alaala.

Sa pagtaas ng rosaryo, Panginoon, iniaangat ko sa iyo ang dalit ng lupang dagan-dagan ng dayong talampakan.
Sa bawat pisil ng hinlalaki sa mga butil ng bubog, sindiin nito ang bagsak ng bolo, piko, pala, at itak sa ulong ayaw naming yukuran; sa mukhang taliwas sa iyong katauhan; at sa balikat na itinuring kaming hindi kapantay.

Kaya patnubayan nawa kami ngayong Linggo ng umaga.

Habang sabay-sabay na namumutawi sa aming mga labi ang misteryo ng kinimkim na luwalhati:
“Atake! Balangigan-on!”


II. Amen

Capt. Thomas Connell, leader of the 9th Infantry assigned to Balangiga, Samar, was sitting near a window saying his prayers when the attackers stormed into his room.

Bukas at malapad na daigdig ang nakalatag sa aking panginorin, Panginoon.

Sa pagdaop ng mga palad, nais kong matutop ang palad ng makinis na bukas.

Hindi ka namin sinisisi.

At hindi kami nagsisisi: kung ipinadpad mo man kami rito sa bayang laging nakakunot ang rabaw ng dagat.

Gayunman, kung tumubo sa aming badhi at daldak ang mga kalyo at kulugo, sanhi ng ‘di mabilang na kalabit sa gatilyo at pagpagkit ng kalburo, iadya mo kami.

Alam mong higit sa hinahong kaloob ng dalangin, itinuro mo sa amin ang magalit.

Tulad ng ginawa mo nang nasa harap ka ng patio.

Alam mo, Panginoon, na upang mabatid ng bagong tagpo naming mga kapatid ang tapat naming malasakit, paminsan-minsan, kailangang kumulo ang aming dugo tulad ng aserong dinadarang sa apoy.

Kung mangyari man ito, tanggapin nawa ang pagyukod ng ulo.

Alay naman ang lahat na ito para sa kanila – silang kulay-kalawang ang balat at hindi makapanimbang sa sariling talampakan.

Kaya bigyan kami ng unawa. Sumaamin ang iyong awa.

Siya nawa.


III. Panday

Rosauro Cabillo was a blacksmith who provided weapons, including knives smuggled to prisoners in the Sibley tents in water carriers the previous night. He was believed to have died in the attack.

Nang silaban ng isang taga-Tondo sa sentro ng Maynila ang liyab ng tabak, apoy itong kumalat hanggang sa aliw-iw ng aming dagat.

Limang taon pa lamang ngayon ang pingas na inaagaw ng panahon sa talas ng aming pandama.

Gayunman, hindi pa kinakalawang ang aming alaala.

Singliwanag pa ng mga kintal ng hinuhulma kong bakal ang aming katwiran.

At ito ang katwiran: lakas sa aming bisig ang tanging magbibigkis at apoy lamang ang magpapakupot sa asero.

Dito namin hinubog ang lunggati ng aming pagkatao at isinaulo ang dalumat na ito ng kahapon sa gatla ng aming mga noo.

Talino itong inangkin pa namin mula pa kina Sumuroy,

Tamblot, at Dagohoy.


IV. Dila ng Umaga

Vicente Candillosas was the teen-age boy who rang the church bell for the attack.

Hindi ako si Crispin o Basilio na ipinaubaya ang likod at mga hita sa latigo ng kura.

Hindi rin ako bata-batuta at halaga ko’y hindi isang perang muta.

Sapagkat batid kong hindi sapat ang tumunganga, lalo na sa gawain at usapan ngayon ng mga matatanda.

Isinilang ako sa panahong napapanikluhod ang lahat sa oras na kumalat na ang kilapsaw ng kalembang.

Kapag humilata na ang araw sa malikot na panginorin ng aming dagat, isusudsod na naman ng mga parapamatbat ang kanilang mga tuhod sa sahig na niyayapakan ng mga dayuhan.

Pipisilin nila ang mga butil ng kristal sabay ang pag-ikid sa bibig ng mga litanyang walang patid.

Kaya narito ako ngayon (patunay sa pagsuway sa bilin ni Ina).

Handa kong batakin ang lubid na magiging dila at signos sa tagong-diwa na ipababatid.


V. Kuwentong tinahi ng isang mananahi

The officers sat up late supervising the captain’s houseboy Francisco in sewing the mourning bands on their uniform.

Singlalim ng nangangalumatang ulap noong Biyernes, Setyembre 26, ang panimdim na tinatahi sa kanilang kamiseta.

Tulad ng iniutos ng kanilang Kapitan, ililislis nila ito sa manggas pag-ikid ng buwan; kasabay ang wagayway-paalam ng kanilang bandilang nasa hati ng tagdan.

Tanda ito sa pagkatastas ng mga bituin sa hiblang panaginip na hinabi raw ng langit.

Buhat ng sulat buhat sa pinagyaman nilang lupa ang balitang sinaksak at napatay ng asesino ang Pangulo ng Estados Unidos.

Sa pagpanaw ng kanilang punong militar, ayon pa rin sa Kapitan, mamamaalam na rin ang mapagkandiling pananakop na kumupkop sa aming mga Filipino.

Ngayong alas otso ng umaga,

Linggo, Setyembre 28, susulsihin ng aking dila ang maaaring napunit na kuwento nang salakayin at paslangin sila ng aking mga kababayan.

Tatahiin ko ang katotohanan: na tunay na tapat ang 48 sundalo ng Company C ng 9th Infantry, lalo na ang kanilang Kapitan; sinamahan nila si Pangulong McKinley hanggang sa kanyang libingan.


VI. Pintakasi

It is a custom in Samar since time immemorial that whenever it is desired to clean the streets of town from weeds and herbs, the local authorities call upon the inhabitants to perform this work called pintakasi.

Sabado ng gabi, Setyembre 27, nagtipon-tipon sila sa Canlara.

Mag-aala-una ng umaga, Setyembre 28, inilikas tungo sa liblib ng bundok ang mga bata, matatanda, at may sakit.

Samantala, nagkanya-kanya naman ng puwesto ang mga lalahok, batay sa plano.

Pinamunuan ni Maj. Eugenio Lopez ang unang kumpanya.
Sina Kapitan Benito Canillas at Lt. Artemio Balaez sa ikalawa. Sa ikatlo, sina G. Petre Abit at Bartolome Ayjon ang nakatoka.

Sa ikaapat, sina Kapitan Lopez Angorin at Pelagio Acosta ang mangunguna. Sina Andres Hilaria at Pedro Avila sa ikalima. Sina Pablo Paulo Gacho at Custodio Salazar naman sa ikaanim -- sila ang bahala sa mga damong nakapaligid sa simbahan. At ang ikapito, pamumunuan naman ni Valeriano Abanador, ang hepe ng lokal na pulisya.

Magsusuot ng palda at bestida ang marami sa lalahok.

Magdadala rin sila ng piko, pala, itak, at bolo.

Kapag naagaw na ni Abanador ang baril sa bantay na sundalo, paputukin niya ito sa alapaap.

Kakalembang naman ang simboryo.

Hudyat ang mga ito sa simula ng pintakasi.


VII. Ang Kanilang Itinuro

The army’s retaliation measures after the Balangiga attack included actions that resulted in the court-martial of two field commanders.

Nang tumestigo si Maj. Littleton Waller, ang opisyal na itinalagang mamuno upang papayapain ang isla ng Samar, lalo na ang Balangiga, ganito ang kanyang sinabi:

Inaamin kong binaril at pinatay namin ang labing-isang katutubong tumulong sa amin sa pagtugis ng mga tulisang nagtatago sa gubat.

Nais nila kasi kaming gutumin.
Kinutsaba nila ang mga tulisan.

Hindi nila sinabi sa aming meron pala ritong nakatanim na ube at balinghoy.
Pero buong puso ko lamang sinunod ang utos ng aking amo.

Inaamin kong binaril at pinatay namin ang lahat ng bata, babae, lalaki, matatanda; basta lahat ng sampung anyos pataas na alam naming makapagdadala na ng armas.

Pero buong puso ko lamang sinunod ang utos ng aking amo.

Inaamin kong minasaker namin ang 39 na katutubo at mangmang, sinunog ang 255 bahay, at kinatay ang 13 kalabaw.

Pero buong puso ko lamang sinunod ang utos ng aking amo.

Inaamin kong ninakaw namin ang simboryo ng simbahan upang habambuhay na umalingawngaw sa alaala ng aming mga apo ang matagumpay na paghihiganti para sa mga kasama naming pinatay ng mga bandido at tulisan.

Pero buong puso ko lamang sinunod ang utos ng aking amo.

Buong puso ko lamang sinunod ang utos ng aking amo:

“I want no prisoners, I wish you to kill and burn, The more you kill ang burn, The better it will please me!”
bilin sa amin ni Hen. Jacob Smith.

Buong puso ko lamang sinunod ang utos ng aking amo:
ang gawing paraiso ang isang impiyerno.

Dahil sa matapat na sumunod lamang sa utos ng kanyang amo, pinawalang-sala siya sa hukom-militar ng Kalihim sa Pakikidigma ng Estados Unidos.

Samantala, nang tumestigo naman si Hen. Jacob Smith, ganito ang kanyang sinabi:

Oo. Inaamin ko at sinususugan ko ang lahat ng sinabi ni Major Waller.
Kaya lamang, nakaligtaan niyang sabihin na sa limang buwan ng pagpapatahimik sa Samar, humigit 50,000 lahi ng tsonggo ang pinababa namin sa puno.
Kaya nga sa humigit 312,000 populasyon bumaba ito sa 257,000.

Gayunman, nais ko ring sabihin na buong puso ko lamang sinunod ang utos ng ating punong militar, ng ating Mahal na Pangulo.

Sa harap ng lipunang Amerikano, ipinangako niya na sandali lamang ang digmaan.
Alam n’yo ‘yon!

Pero tumatagal na ang digmaan at malaki na rin ang ating gastos.

Alam n’yo rin ‘yon!

Tanging sa singasing lamang ng nguso ng baril ganap na mapapaamo at mapapatahimik ang mga tulisan at
bandido.

Alam n’yo rin ‘yon!

Hindi nakumbinsi ang hukom-militar sa argumento ni Hen. Smith.

Kaya hinatulan siyang nagkasala at itiniwalag sa serbisyo-militar.

Nang magbalik siya sa kanyang bayan, pinalakpakan siya ng kanyang mga kababayan.

“Mabuhay ka Hen. Smith! Mabuhay ka!” sigaw nila.

Tinanggap nila ang pagdating ni Smith tulad ng isang nadistiyero at bumabalik ngayong bayani ng bayan.

Inakbayan siya ng mga kapwa opisyal sa militar na tumugis at nagmasaker din sa mga katutubo ng Apache,
Comache, Kiowa, at Sioux sa Latina-Amerika.

Sa ganitong mabuting halimbawa, itinuro ng unang imperyalista sa Asya ang wastong kahulugan ng hustisya.


VIII. Hagulgol ng Gubat

In brutal retaliation for the Balangiga attack, villages were set on fire, crops were destroyed, and thousands are believed to have died.

I.

Ngayon ay labingsiyam at isa.

At dito sa aking tahanan, langit man ay naliligalig, ayaw tumahan.

Nasasaid ang aking lakas upang bigyan pa ito ng ibang pangalan.

Maliban sa impiyerno, impiyernong katahimakan ang nakaratay sa lupa.

Sa maraming taon, nakaukit sa kanyang mga puno at bundok ang kanyang pangalan.

Ito ang Samar!

Sa maraming taon, ibinubulong ng hangin at dalampasigan ang kanyang pangalan.

Ito ang Samar!

Ito ang Samar!

Ngayon ay labingsiyam at isa.

At dito sa aking tahanan, ang nakahimlay na kapayapaan ay nakaukit sa lapida ng mga namatay.

II.

Tag-araw at totoong walang nakadapong halumigmig.

Ngunit nangangaligkig ako, sukol ako ng aking mga tadyang at gulugod;

Pilit kong nilalabanan ang ‘di mabatid na sumpang lamig mula sa Kanluran.

Tila ako isang batang sumisinghap, nalulunod sa bangungot, nagpupumiglas na makakawala sa malawak na kamay ng dagat, o sa sikmura ng sinaunang kuweba, o sa pagkakalingkis ng bolang apoy.

Tila ako isang langong pulpito na natutuliro, mag-isang naglalakbay sa puso ng gabi habang nasa kamposanto.

Ngunit hindi ito sementeryo – wala ritong krus na nakatundos sa mga hungkag na hukay.

Walang punong santol na magsisilbing lilim at pahingahan ng mga nagluluksa – mga naulilang umaasa sa ulan, pang-ampat sa nakatalukbong na init ng araw.

Sapagkat dito, isang dambuhalang lapida ang buong Isla.

Isang malawak na kamposanto itong arkipelago sa Asya.

Sapagkat dito, hindi tubig ang pumapatak na ulan kundi mga bala mula sa bunganga ng Springfield.

Sapagkat dito, lamon ng Bolang Araw ang Sandaigdigan.

III.

Kaya ngayon, nagpasya akong maging isang panakot-uwak.

Kahit batid kong ni hindi mapapadako rito ang ulilang mayamaya

Kahit batid kong wala ritong madadagit na palay.

Lupa lamang ang narito na pinagyayaman.

Hindi ng init ng mga bulkan kundi ng malalamig na bangkay.

Lupa lamang ang naritong patunay sa halubigat na nasa aking talampakan.

Lupa lamang ang narito na patuloy kong tutungtungan –

Hanggang maulinigan ko ang pinakamatining na ungol, iyak, at sigaw ng humahagulgol na gubat -- kung saan naroon ang aking mga kasama at mahal sa buhay.

Na ang mga nalasog na buto ay tumatabing sa ‘di ko na masipat na panginorin;

Na ang mga natadtad na katawan ay simpatag ng gubat;

Na ang mga nabubulok na katawan ay tumatabon sa dating mga palayan – isang tanawin ito, Oo, isang tanawin na higit pa sa kumunoy na kailan man naisip ay kong hindi sasagi sa alamat ng aking nawalang kabataan.

Lupa lamang ang naritong patunay sa halubigat na nasa aking talampakan.

Lupa lamang ang narito na patuloy kong tutungtungan –

Hanggang dumating ang pagkakataon na umawit ang sanggol sa aking sinapupunan, at sabihin sa akin na ito, ito na ang panahon upang humakbang ang panakot-uwak, tunguhin ang dalampasigan ng Dagat Pasipiko upang doon, maging isang ulilang mayamaya – habang sinusukat ng pakpak ang lawak ng dagat at humapon sa buhanginan ng dalampasigan.

At iluwal

Siya, siya na hindi ko kilala ang ama.

Siya na hindi ko mapagsino ang mukha ng kanyang ama.

Ngunit bakit, bakit kailangan ko pang alamin…

Siya, na isa lamang ang ari ng kanyang ama sa lima o limampung ari ng puti na hindi tuli.

Ngunit walang pakundangang sinalit-salit ang aking Malayong katauhan.

Sa bawat sibat, sa bawat diin, sa bawat pagwakwak –

Bawat igkas, bawat siklot, ang bawat pagsabog ng apoy ay tila mga dambuhalang kamay,
nilalamutak ang aking sinapupunan, sinasakmal ang kalamnan.

Huwag nang banggitin pa ang lunggati ng aking kaluluwa;

Kung totoo ngang itong kaluluwa ang tanging ikinaiiba ng babae at ng butas, o ng lalaki at ng tagdang yari sa Amerika.

IV.

Oo aking anak.

Sasabihan ko kung sino man ang iyong ama.

Oo aking anak.

Sapagkat ikaw ang aking kaluluwa.

Ikaw ang aking pangalan at awit –

Ikaw ang aking kapayapaan!

Sapagkat kapwa kamatayan at paghihiganti ang kapayapaan.

At sa atin, dito sa Samar! Dito sa buong kapuluan!

Higanti ang makatarungang Himagsikan.

Ito ang aking natutuhan. Ito ang ituturo ko sa iyo.

At ito ang ating ibabanyuhay sa buong Samar.


Reprinted from Bulatlat.com

Ang tulang ito ay nanalo ng Ikatlong Gantimpala sa Talaang Ginto para sa Makata ng Taon noong 1999 ng Komisyon ng Wikang Filipino


No comments: