Monday, September 13, 2004

P3,000 DAGDAG SAHOD: MAKATWIRAN, IPAGLABAN!

All UP Workers Union- Manila
Setyembre 13, 2004

Tuloy ang laban para sa ating manggagawang pangkalusugan! Ang paggigiit ng P3,000 dagdag sahod, across the board ng mga kawani ng pamahalaan, kabilang na tayong mga manggagawang pangkalusugan ay makatwiran at may mga pinagbabatayan. Lubhang naiwanan na ng panahon ang sahod natin sa harap ng walang patumanggang pagtaas ng bilihin, langis, pamasahe, kuryente at iba pang pangangailangan ng mamamayan tulad sa kalusugan at edukasyon. Lalo pa itong maiiwanan sa panukala ng pamahalaang Arroyo na magtaas ng paniningil sa buwis. Walang puknat ang ginagawang pagsikil ng rehimeng Arroyo sa karapatan at kabuhayan ng mamamayan.

Hindi na maitatago ang nabubulok na ekonomya, mismong ang pamahalaan ang nagsabi na tayo ay nasa gitna ng krisis pampinansya. Ngunit di wasto ang pamamaraan ng pamahalaan para masolusyunan ito, bagkus lalo lamang pinapalala nito ang krisis. Mali na sa karaniwang mamamayan ipapabalikat ang pinakamalaking pasanin tulad ng paniningil ng mas mataas na buwis, di pagbibigay ng karampatang sahod at pinakamasahol: ang paglaan ng kakarampot na badyet sa serbisyong panlipunan sa taong 2005 tulad sa kalusugan at edukasyon. Samantalang nanatili ang mataas na porsyento ng apropriasyon sa badyet para sa pambayad utang na di naman pinakinabangan ng mamamayan at badyet para sa militar. Malinaw na ang mga hakbanging ito ay pagyurak sa karapatang pantao at kabuhayan ng mamamayan.

Ang krisis pampinansya ay matagal nang nagsimula, ito ay dahil sa walang patumanggang korupsyon ng mga matataas na opisyales ng pamahalaan, kabilang na ang gastusin nang nakaraang eleksyon; pagpapatupad ng patakarang liberalization sa ekonomya, pribatisasyon at deregularisasyon ng mga batayang serbisyo at pangangailangan na palaging pumapabor sa mga malalaking dayuhang monopolyo kapitalista. Ang mga patakarang ito ng pamahalaan ay nangangahulugan ng patuloy na pagtalima sa dikta ng Estados Unidos sa ngalan ng imperyalistang globalisasyon.

Kaya ang ALL UP WORKERS UNION ay naninindigan na wasto ang ating ipinaglalaban sa makatarungang sahod. Nasa atin ang hamon upang magpatuloy sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa ating hanay para sa ating kabuhayan at karapatan at maging sa kagalingan ng mamamayan.

P3,000 ACROSS THE BOARD DAGDAG SAHOD IBIGAY!

MANGAGAWANG PANGKALUSUGAN MAGKAISA! IPAGTANGGOL ANG KARAPATAN AT KABUHAYAN NG MAMAMAYAN!

No comments: