Monday, August 23, 2004

P3,000 ACROSS-THE-BOARD SALARY INCREASE, IPAGLABAN!

Makiisa sa Gagawing Noise Barrage sa Huwebes, Agosto 26, 200412:00 –1:00 PM sa PGH Flagpole.

Patuloy na lumalala ang kondisyon ng mga manggagawa at kawani ng pamahalaan. Ang patuloy na pagbulusok ng halaga ng piso at ang walang patumanggang pagtaas ng mga presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin, maging tubig at kuryente ang lalong nagpapalubog sa ating mga kawani sa animo’y kumunoy ng kahirapan. Ano nga ba ang tugon ng administrasyong Arroyo? P20-increase sa emergency COLA ng mga manggagawa sa pribado. Ang pulis at militar ay dalawang beses tinaasan ang suweldo at benepisyo sa tatlong taon ng panunungkulan ni Pangulong GMA. Samantalang sa mga sibilyang kawani ng gobyerno, wala ni kusing! Hindi ba tayo niloloko nito?

Hindi mapakali ang gobyerno sa paggawa ng kung anu-anong malaband-aid at patapal-tapal na solusyon sa mga problemang kinakaharap ng bansa, kagaya ng pagpapataw ng karagdagang buwis at pagsasapribado ng mga pangunahing serbisyo kagaya ng tubig at kuryente na sa bandang-huli, ang mga mamamayan pa din ang apektado. Imbis na tulungan, lalong pinapahirapan.

Ang ating panawagan ay karagdagang sahod! Nananawagan ang All UP Workers Union kasama ang lahat na mga kawani sa pamahalaan ng P3,000 Across-the-Board Monthly Salary Increase. Batay sa ulat na ipinalabas ng NEDA (Abril 2003), ang isang pamilyang may anim na miyembro ay dapat na kumikita ng P16, 433.00 kada buwan para sa isang disenteng pamumuhay. Ang ganitong pamantayan ay napakalayo kung ikukumpara sa mga kawani natin na sumasahod lamang ng P5,080.00 kada buwan para sa Salary Grade 1. Kaya’t makatarungan lamang na ang panawagan natin para sa P3,000 na pagtaas ng sahod upang maibsan man lang ang patuloy na pagbaba ng kalidad ng pamumuhay.

Noong nakaraang Marso, sa kasagsagan ng pangangampanya ng Pangulong GMA ay nagpahayag ang ang Inter-Agency Budget Coordinating Council na magbibigay daw ang gubyerno ng karagdagang 10% sa suweldo ng mga kawani. Ito ay mariin nating tinututulan dahil ang makikinabang na naman nito ay ang dati ng matataas ang sahod. Habang ang karamihan sa atin ay hindi mararamdaman ang karagdagang ito. Kaya’t tama lamang ang ating panawagan para sa P3,000 across-the-board monthly Salary Increase. KAYANG ibigay ito ng gobyerno, sa katunayan, HIGIT pa dito ang kayang ipagkaloob KUNG seryoso lamang ito sa pagsugpo ng mga katiwalian ng pamahalaan, tulad na lamang ng IMPSA ($14M), Piatco ($100M), CODE-NGO Peace Bond (P10B), Macapagal Boulevard (P600M), Land Bank Tax Scam (P205B), Telecom Franchise Bills Bribery (P50M), Jose Pidal Account (P260M) at maging ang pagwaldas ng tinatayang halos P15 – P17B mula sa PCSO, PAGCOR, GSIS, OWWA, at DA na ginamit sa nakaraang kampanyang reelection ng Pangulo.

Ang tinatayang P43B na kailangan para sa P3,000 monthly increase ng may 1.2M na mga kawani ng gubyerno ay barya lamang sa halos P700B taon-taon na ibinabayad ng gubyerno sa kautangan nito kung saan marami dito ay hindi ang Sambayanan nakinabang at napunta lamang sa iilang pribadong kumpanya at mga indibidwal.

Ang ating laban sa sahod ay bahagi rin ng ating panawagan para sa pagtaas ng badyet pangkalusugan at pagkakaloob ng iba pa nating mga benepisyo – quarterly rice subsidy, backpay ng COLA, increase ng hazard pay, subsistence allowance at iba pa.

10% Salary Increase Hindi Sapat! P3,000 Across-the-Board Ang Dapat!

Badyet Pangkalusugan, Dagdagan! Mga Benepisyo, Ipatupad!

Makiisa sa gagawing Noise Barrage sa Huwebes, Agosto 26, 200412:00 –1:00 PM sa PGH Flagpole.

All U.P. Workers Union, Manila Chapter
Ika-23 ng Agosto 2004

No comments: