Thursday, December 04, 2003

IPAGLABAN ANG P10,000 INSENTIB BONUS, DEPENSAHAN ANG CNA, QUARTERLLY RICE SUBSIDY IBIGAY

MAGKAISA AT LUMABAN PARA SA SAHOD BENEPISYO AT KARAPATAN!!!

“The rice subsidy is in accordance with the Collective Negotiating Agreement (CNA) that was signed between the University and the All-UP Workers Union (AUPWU) on 19 April 2002 and confirmed by the Board of Regents on 23 May 2002….” Pres. Nemenzo (Memorandum No. FN-03-44, 1 December 2003)

Pinapatunayan ng memorandum na ito ang pagiging wasto ng All-UP Workers Union hinggil sa isyu ng Rice Subsidy. Malinaw na ang Rice Subsidy ay mula sa CNA at HIWALAY sa usaping Additional Cash Incentive Bonus. Nililinaw din nito na isang malaking kasinungalingan ang pinagkakalat na tsismis ng desperadong iilan na ang Rice Subsidy na matatanggap natin ay kinaltas mula sa ating taunang cash incentive. Kaugnay nito, siguradong makakatanggap na rin tayo ng P4,000 bilang cash incentib bonus. Mahalagang malaman natin na ang halaga ng cash insentib bonus ay hindi kasama sa kasunduan ng CNA. Ibig sabihin, ang administrasyon ang nagdedesisiyon kung magkano ang ibibigay sa atin.

Ngunit kapansin-pansin na mas maliit sa inaasahan ang ating makakamit na bonus ngayong taon kumpara nuong nakaraan. Ito ay sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, tubig, kuryente at langis. Nakakalungkot na mukhang nakalimutan na ang ating mga sakripisyo tulad ng pagod dulot ng understaffing, no overtime pay, mababang hazard pay atbp. Ngayong magpa-pasko sana ang pinakamagandang pagkakataon upang makamtan natin ang isang sapat na bonus.

PATULOY NA IPAGLABAN! SAHOD, BENEPISYO AT KARAPATAN! Nagpapasalamat ang All-UP sa mga empleyadong patuloy na sumusuporta sa laban ng ating unyon. Nagbubunga ito sa patuloy nating pagkamit ng tagumpay. Isa na dito ang RICE SUBSIDY. Ang isang (1) sakong bigas ngayong Disyembre ay PANIMULA lamang, Depensahan at ipaglaban natin ang ating CNA. Nakasaad sa CNA na QUARTERLY ang dapat nating matanggap na rice subsidy.

NANANAWAGAN din ang ating unyon ng P10,000 INCENTIB BONUS at hindi P4,000 lamang. Bagamat may authorization ang BOR kay Pangulong Nemenzo na maaaring magbigay ng dagdag na insentib bonus mula P2,500 hanggang P5,000, nananatiling wala pa rin itong kasiguraduhan. Noong nakaraang taon nakipaglaban tayo para sa insentib bonus. Dahil dito naipanalo natin ang P10,000 na bonus. Ngayong taon, muli tayong magkakaisa at lumaban para makamit ang isang makatarungang bonus.

All-UP Workers Union Manila
December 3, 2003

No comments: