Monday, May 05, 2014

Mayo 7: Singilin ang Pamahalaang Aquino, Ipagpatuloy ang 30 taong pakikibaka para sa Kalusugan at Karapatan!

Pambansang Araw ng mga Manggagawang Pangkalusugan ngayon. Kasabay ng paggunita sa mga tagumpay at aral sa 30 taong pakikibaka ng Alliance of Health Workers,  papanagutin natin ang Pamahalaang Aquino sa patuloy na pag-abandona sa kalusugan ng mamamayan at karapatan ng manggagawang pangkalusugan!

Itaguyod natin at ipaglaban ang mga tagumpay sa loob ng 30 taong pakikibaka ng AHW mula nang itatag ito noong 1984. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, naipagtagumpay natin ang:
Ø  Dagdag na sweldo mula pa 1980’s, ngunit nananatiling kakarampot at di nakabubuhay ang sweldong ibinibigay ng Pamahalaang Aquino;
Ø  Pagsasabatas ng Magna Carta of Public Health Workers (RA 7305) na batayan ng mga benepisyong hazard pay, subsistence allowance, laundry pay, longevity allowance; bagamat paulit-ulit itong binabawi ng pamahalaan, sa pinakahuli sa klasipikasyong high risk-low risk sa pamamagitan ng DBM-DOH Joint Circular No 1; 
Ø  Pagpapatalsik sa kurakot, kontra-manggagawa at kontra-pasyenteng mga hospital direktor noong 1980’s hanggang 1990’s;
Ø  Paglaban sa tanggalan/streamlining – sa dalawang pagkakataon ng reorganissyon/tanggalan, nagawang mapanatili ang ilang daang libong mga posisyon at naisabatas ang RA 6655 na nagseseguro sa security of tenure ng mga kawani sa pamahalaan. Pero tinutuloy ng Pamahalaang Aquino ang streamlining tungo sa kontraktwalisasyon sa pammaagitan ng EO 366 /Rationalization Plan na basehan ng New Organizational Structure and Staffing Pattern sa mga pampublikong ospital;
Ø  Paglaban sa pribatisasyon ng mga pampublikong ospital  – tagumpay na napatigil noong 1997 ngunit walang habas na itinutuloy muli ni Panguong Aquino sa PPP ng Philippine Orthopedic Hospital at 72 hospitals sa buong bansa, korporatsoasyon at iba pang porma; at
Ø  Pagtataguyod sa karapatan sa pag-uunyon, Collective Negotiation Agreement (CNA), pagpapahayag at paglulunsad ng kilos-protesta.

Walang makabuluhang napagbabago sa kalagayan ng mga manggagagawang pangkalusugan at mamamayan sa ilalim ng Administrasyong Aquino. Nagpapalit-palit ang mga pangulo ngunit kagaya ng mga naunang rehimen, itinutuloy ng Pamahalaang Aquino ang  kontra-mamamayan at kontra-manggagawang polisiyang papaliit na badyet para sa kagalingan ng mamamayan, streamlining at kontraktwalisasyon, pribatisasyon, mababang sahod at kulang na benepisyo.

Pinatunayan ng Pamahalaang Aquino ang pagiging sunud-sunuran sa dikta ng panginoong maylupa, burgesya komprador at monopolyo kapitalistang Estados Unidos. Tanging mga local at dayuhang burgesya at monopolyo kapitalista ang nakikinabang sa programang Kalusugang Pangkalahatan na nakapadron sa Obama Care. Sa Two-tiered Wage System lalong ipapako sa napakababang sahod ang mga manggagawa samantalang wala ni singkong dagadag sa sweldo na ibingay ang administrasyong Aquino sa mga kawani ng pamahalaan at manggagawang pangkalusugan.  Nitong Abril pinagkasunduan ni Pangulong Aquino at US President Barrack Obama ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na magbabalik sa base-militar ng Estados Unidos sa bansa, sa kabila ng pagtututol ng mamamayan batay sa unconstitutionality, mapait na mga karanasan ng paglabag sa karapatan ng tropang Amerikano, at pagyurak sa soberanya ng bansa.

Walang ibang pagpipilian ang manggagawang pangkalusugan at mamamayan kundi palakasin ang hanay at ipagpatuloy ang laban para sa ating karapatan bilang manggagawang pangkalusugan at karapatan ng mamamayan sa kalusugan. Tanging sa sama-samang pagkilos lamang natin malalabanan ang kontra-mamamayang polisiya at maitatayo ang isang sistemang pangkalusugang tunay na  magsisilbi sa mamamayan at manggagawang pangkalusugan.

Singilin ang Pamahalaang Aquino sa pag-abandona sa kanyang responsibilidad sa mamamayan at  mga manggagawang pangkalusugan!


Ipagpatuloy  ang 30 taong pakikibaka ng mga manggagawang pangkalusugan para pang-ekonomiya, demokratiko at pampulitikang karapatan at kalusugan ng mamamayan!

No comments: