Monday, January 27, 2014

Suportahan ang kaso sa Korte Suprema laban sa pribatisasyon ng Orthopedic Hospital! Labanan ang pribatisasyon

Ngayong Lunes, ika-3 ng Pebrero 2014, isasampa sa Korte Suprema ang petisyon ng mga manggagawang pangkalusugan, pasyente, mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon sa kalusugan at komunidad laban sa pribatisasyon ng Philippine Orthopedic Center.

Bulag, bingi, at manhid ang Pamahalaang Benigno Aquino III, at Department of Health Secretary Enrique Ona sa malawak na panawagan ng mamamayan sa pagbasura ng pribatisasyon ng POC at pampublikong serbisyong pangkalusugan. Rurok ng kawalang puso nang aprubahan ni Pangulong Aquino ang proyektong Public-Private Partnership ng POC noong Nobyembre 21 sa kasagsagan ng relief operation para sa mga survivors ng Bagyong Yolanda. Disyembre 6, inilabas ng DOH ang pormal na notice of award sa Megawide-World Citi Consortium para sa 25 taong pagtatayo at pagpapatakbo ng bagong Orthopedic Hospital.

Negosyo ang nasa likod ng pribatisasyon ng POC. Sa loob ng 25 taon, na maaaring maging 50 taon, pagkakakitaan at pagtutubuan ng pribadong Megawide-World Citi Consortium ang Orthopedic Hospital. Madidisplace ang libu-libong mahihirap na pasyente at manggagawang pangkalusugan ng POC.

Taliwas sa ipinagyayabang ng DOH at Pamahalaang Aquino na para sa mahihirap ang bagong Orthopedic Hospital, 70 lamang na kama ang nakalaan sa mahihirap na pasyente, kumpara sa 560-630 bilang ng mahihirap na in-patients sa POC ngayon. 80-90% ng halos 200,000 pasyente ng POC noong taong 2010 ay mahihirap.

Nanganganib ang kaseguruhan sa trabaho at karapatan ng mahigit 900 manggagawang pangkalusugan sa POC dahil ang pribadong investor ang mamimili at kukuha ng empleyado at hindi obligadong kilalanin ang kasalukuyang union ng mga manggagawa.

Kapag napatupad ang pribatisasyon ng POC, hudyat ito ng tuluy-tuloy at lubusang pribatisasyon ng iba pang pampublikong ospital at ng pampublikong serbisyong pangkalusugan. Krisis pangkalusugan ang hahantungan nito dahil wala nang tatakbuhan ang mahihirap na pasyente.

Huwag tayong magsawalang-kibo!  Huwag nating hintaying lubusang mawala ang kakaunting libreng serbisyong nakukuha natin sa mga pampublikong pagamutan. Responsibilidad ng pamahalaan ang pagbibigay ng libre hanggang abot-kaya, kumprehensibo at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.  Buwis mula sa pawis at dugo ng mamamayang naghihikahos ang nagpapatakbo sa mga pampublikong ospital at sa pamahalaan, kaya dapat lamang na maibigay ng gubyerno ang libreng serbisyong nakalaan sa mamamayan!

Ipaglaban ang karapatan sa kalusugan!

No comments: