Sa paghahanda kaugnay sa Sentenaryo ng PGH, maraming mga kagamitang medikal ang nasa prayoridad sa pagpapatupad ng “modernization” subalit hindi maitatanggi na ang mga ilang batayang gamit ng ospital ay luma na at dapat mas nasa proyoridad ng pagkumpuni o pagbili ng bago tulad ng generator, elevator, chiller, autoclave, PABX at CBC machine
Ito ay ilan lamang sa nagiging paksa sa diyalogo noong ika-2 ng Hulyo 2007 sa pagitan ng Unyon at PGH Administration.
Dinala ng Unyon ang isyu kaugnay sa mga sirang batayang gamit dahil sa malaking implikasyon nito sa ating serbisyo sa mamamayan at sa ating kalagayan sa paggawa.
Ang ating dalawang pangunahing generator ay puro sira na at may pondo na para sa pagbili ng mga piyesa (ang iba ay bibilhin pa sa Singapore).
Ang mga sirang elevator naman sa Central Block Building ay may inilaan nang pondo para sa pagbili ng bago.
Ang mga chiller plant (3) naman sa DEMS ay puro sira kaya parang pugon sa init ang ER. Kagyat na pinapahanapan ng pondo sa Budget para sa pagkumpuni. Ang autoclave sa CSR na puro sira din ay kinukumpuni na at may plano ang Administrasyon na ikabit sa CSR ang isang nakatiwangwang na Autoclave Machine na kasama pa sa DEMS Modernization Project, at bibili pa ng karagdagang unit, para pamalit sa madalas masirang unit.
Samantalang ang local telephone exchange system (PABX) natin ay sinabing may nakikita ng pagkukunan ng pondo para sa pagbili ng bago.
Inaasahan natin na ang diyalogong ito ay magpapabilis na maibalik sa normal na operasyon ang mga batayang gamit - para sa maayos na serbisyo sa mamamayan at upang magaan na magampanan ng ating mga kapwa kawani ang kani-kanilang mga tungkulin.
Sabi nga ng marami sa atin: “Anong silbi ng modern medical equipment tulad ng MRI kung ang mga batayang gamit sa ospital tulad ng standby generator, telepono, elevator, aircon at autoclave, kung hindi madalas masira ay di na talaga magamit?
Masusi nating susundan ang mga ipinangakong ito.
No comments:
Post a Comment