Pahayag ng All-UP Workers Union Manila Chapter
Ika-8 ng Hulyo 2005
(This Position of the union was adopted by an expanded Chapter Executive Board Meeting on July 5, 2005 and finalized only today, July 19.)
“Nababagabag ako….” Ito ang mga katagang namutawi mula sa bibig ni Gng Gloria Macapagal Arroyo sa isang makasaysayang gabi ng Hunyo 27, 2005, kung saan inamin niya ang pakikipag-usap sa isang opisyal ng Comelec noong panahon ng 2004 Eleksyon. Ngunit ang pag-aming ito ay kalahati lamang ng katotohanan ng sistematikong pakikipagsabwatan upang impluwensyahan ang eleksyon.
“Hindi ako magre-resign….”
Nagresulta ng pagdami ng mga kilos protesta upang malaman pa ang buong katotohanan sa likod nito at nanawagan ng kanyang pagbibitiw. . Ngunit patuloy siyang nagpanggap na kontrolado pa ang sitwasyon at hawak pa niya ang tiwala at kompiyansa ng mamamayan. At nito ngang nakalipas na linggo hinamon pa niya ang kanyang mga kabinete na magsipagbitiw na sa kanilang mga posisyon kung hindi na siya kinikilala ng mga ito.
Ang Pilipinas ay lugmok na sa kahirapan. Ito ay isang katotohanan na walang pasubali at walang kagatol-gatol na sasagutin ng bawat Pilipino ng “oo”. Bago pa man lumabas ang kontrobersyal na “Gloriagate tapes,” talamak na ang korapsyon at katiwalian sa pamahalaan at sumasadsad na ang ekonomiya. Ang mahirap ay patuloy na naghihirap at ang mga tiwaling nakaluklok sa kapangyarihan ay patuloy na nagkakamal ng salapi.
Si Gng. Arroyo ay kapit-tuko sa kanyang posisyon at ni katiting na balak mag-resign sa puwesto ay wala. Nagkasala si Gng Arroyo sa Sambayanan at dapat lang siyang managot. Kapag tayo ay magsawalang kibo sa mga nangyayari ay para na rin nating sinabi na magsawalang kibo na lang tayo sa mga katiwalian at sa lahat ng gumagawa ng kasalanan sa ating lipunan.
Bantad na ang mamamayan sa kahirapan at tayong mga manggagawang pangkalusugan ay hindi naiiba sa ganitong kalagayan. Ang mga benipisyong matagal nang dapat naibigay sa atin ay patuloy na ipinagkakait sa kabila ng legalidad sa likod nito, kagaya ng COLA, libreng pagpapa-ospital at iba pang mga benipisyo. Ang P3000 across-the-board monthly salary increase na matagal na rin nating ipinaglalaban ay nakabinbin pa rin sa Kongreso at ni isang sentimo na pagtaas ng sweldo nating mga kawani ay wala tayong natanggap sa kasalukuyang rehimen.
Ang anumang sandaling pananatili ni Gng Arroyo sa poder ay lalo lamang magsasadlak sa atin sa ibayong kahirapan at mga paglulubid ng kasinungalingan tungkol sa ating ekonomiya.
Hanggang kailan magtitiis at aasa ang mga Pilipino na isang araw ay magbabago ang takbo ng kanilang buhay? Sa kasaysayan ng mga dakilang bansa sa buong mundo, ang mga ordinaryong mamamayan ang siyang nag-uukit ng kanilang kasaysayan tungo sa kadakilaan at kaunlaran. Nasa ating mga kamay kung gayon ang ating kinabukasan. Kung hindi tayo kikilos at gagawa ng aksyon ngayon; sino ang kikilos para sa atin, at kailan pa?
Tayo ay nanawagang patalsikin na si Gng Arroyo sa MalacaƱang at bumuo ng isang Transition Government na magpapatakbo ng pamahalaan. Isang pamahalaan na mapagkalinga sa mamamayan, hindi ng interes ng dayuhan at iilan; at kumakatawan sa lahat na sektor ng lipunang Pilipino.
Peke at taksil na Pangulo, bumaba ka na sa puwesto bago mo matikman ang paniningil ng Sambayanan!
No comments:
Post a Comment