Ni: Joi Barrios
Member, (Congress of Teachers for Nationalism and Democracy (CONTEND) and, the Alliance of Concerned Teachers (ACT)
Gaano kadali ang pagpaslang?
Sansaglit, at may nakitil nang buhay.
May punglo na humahagibis
At may pag-asa na napapatid.
Gaano katagal
Ang ating paglalamay?
Hintayin bang ang luha ay maglawa
At ang telang itim na yumayakap
Sa bawat bangkay ay maging dagat?
Luhang alat, dagat alat.
Paanong malulunok itong dahas?
Sinong hindi malulunod sa hinagpis?
Bawat dibdib ay sumisikip.
Sa bawat pagluluksa,
Habol ang hininga
Nagtatalo ang pangamba at galit
Sa bawat panganib na hinaharap.
Isa-isa tayo na kanilang nilalagas,
At ating tinatanong:
Sinong nag-uutos, sinong nagbabayad
Sa bawat pusong dinudurog,
At utak na pinapasabog?
Hindi tayo, kundi sila ang alipin ng pangamba, kaya't namumuksa.
Ating tandaan, laging tandaan,
Matwid ang pinaglalaban.
Sa bawat pagkapit-bisig, sa bawat welga at pag-aalsa,
Ang binabawi natin ay dangal,
Ang inaangkin ay karapatan.
Patag ang lupa kung saan tayo nakatindig.
Ang bayan na pinapaslang, ano't di sisigaw ng himagsik?
Ika-18 ng Marso 2005
This poem, read at a gathering of civil libertarians at the Asian Center on March 19, 2005, responds to the slaying of Victor Conception of the Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Tarlac City Councilor and Bayan Muna member Abelardo Ladera, Mer Dizon of Anakpawis party list, and Rev. William Tadena, a supporter of Hacienda Luisita strikers.
No comments:
Post a Comment