ni: Tata Raul G. Funilas
Disyembre 3, 2004
Ilog ng Dupinga, Gabaldon, Nueva Ecija
Isang bangungot ang nililok
Ng mga tunggak at balakyot,
Sa lalawigang Quezon, Nueva Ecija
At ang probinsiyang Aurora;
Sa bansa kong sinisinta—
Ang Pilipinas na abang-aba.
Mga bayang Heneral Nakar, Real, Infanta,
Bulubunduking Gabaldong may ilog Dupinga
At kubling paraisong nangangasul na Dingalan.
Walang sawang pinagsamantalahan
Ang gubatang walang kamalay-malay
Ng tusong-ganid na magtutroso sa kabundukan.
Isang delubyo ang pinaalingawngaw
Ng langit. Ang sigwadang alimpuyo’y sumalimbay
Ang laksang pinaslang na talaksang kahoy
Na mahibik ang hikbi ng pagngunguyngoy,
Sa ilambo ng hangi’t ula’y gumulong-gulong;
Nanalasa’t kumitil ang rumaragasang daloy.
Nagsakripisyo ang Lumikha umungol ang taghoy,
Pumatak ang luha sa bultong-anak na nakikanlong;
Upang ibantad sa lahat ang walang pangil na batas
Ng sinalaula at binalahurang nakakalbong gubat.
Ang sigaw ng lahat: Parusahan ang kapural na palangas
Sa Malayong Silangang dinidiyos ay pilak.
© 2004 Bulatlat ■ Alipato Publications
No comments:
Post a Comment